Hindi naman tayo magkakilala talaga. Pero nabihag mo ako nung una kitang makita. Sa madlang pawisan, mga nakakunot ang noo at lukot ang mukha, nagningning ang iyong napakagandang ngiti. Hindi mo alintana ang pagod. Hindi mo pansin ang init at tagaktak ng pawis na dulot nito. Nakita ko sa mga mata mo ang alab ng pag-ibig. Pag-ibig sa bagay na ginagawa mo. Nakita ko ang kaligayahan sa iyo. Nakakahawa yung kasiyahan mo kaya't eto ako ngayon, lutang sa ngiti mo.
Namangha ako sa husay mo. Kulang na lang lumipat ako ng pwesto para maisigaw ang suporta sa iyo. Sa paningin ko, lumilipad ka sa paligid. Yung mga palo mo, swak na swak sa sahig. Kapag ikaw na ang gagalaw, nakakataranta. Nakakapanikip sa puso dahil sa bawat hampas mo, unti-unting lumulubog ang pag-aasam kong magwagi. Sayo na nakatutok ang aking atensyon. Maging ang hawak kong camera, ikaw na ang pokus. Nakakasilaw ang iyong galing pero tinatanaw pa rin kita. Ninais kitang makilala, ginustong malapitan. Unti-unti, tinahak ko ang daan patungo sa iyo. Dahan-dahan, nakita ko na tama nga pala ako. Isa kang tala na habang inaabot, lalong nagliliwanag. Nakakaadik yung kabutihan mo kaya't eto ako ngayon, lutang sa pagkatao mo.