Friday, July 8, 2011

LT Siya Sayo.

Minsan, hindi mo naman alam kung paano ka humantong sa kinalalagyan mo ngayon. Pero maaari rin namang alam mo talaga ang mga nangyari, hindi mo lang maamin sa sarili mo ang katotohanan.

Hindi mo naman siya trip nung una mong makita. Oo, cute, ganun. Pero hindi siya yung tipong iisipin mo yung mukha kapag hindi mo na kaharap. Hindi mo siya ninais makilala pa o makaclose. Hindi mo ramdam yung presensya niya kahit halos gabi-gabi kayong magkasama sa iisang silid. Ilang hakbang lang ang pagitan niyo pero hindi sumagi sa isip mo na lapitan siya. Hindi kayo nagtitinginan o nagngingitian kapag nagkakasalubong. Hindi mo nga matandaan kung ni minsan ba e nagkasalubong nga kayo. Hindi kayo nag-uusap o nagbabatian. Isa lang siya sa mga ordinaryong tao na nariyan sa paligid mo pero hindi mo pinaglalaanan ng kahit anong klaseng atensyon.

Kung iisipin mo, may isa o dalawang beses lang kayong nagkaroon ng kaunting komunikasyon. Una, nang humingi ka ng pabor sa kanya. Pero hindi pa rin ito naging daan para magkakilala kayo kasi halos lahat naman ng kakilala o kaibigan mo, hiningan mo ng kaparehong pabor. In fairness, isa siya sa iilang nagbigay ng sagot sa mensahe mo. May kasama pang smiley. Pero hindi mo pa rin ito binigyan ng atensyon. Ang mahalaga, dumagdag siya sa boto para mabigyan ka ng pagkakataong manalo sa isang contest na sinalihan mo. Ikalawa, ikaw na naman ang nanguna. Nileksyunan mo siya sa kaunting detalye na medyo mali ang ginawa niya. Hindi ka nag-isip ng kung ano noon. Basta ang sa iyo, maitama siya para hindi maulit at para hindi maapektuhan ang gawain niya. Parang sinubukan niyang ipagpatuloy ang kwentuhan niyo pero hindi mo na masyadong pinansin kasi wala ka namang interes. Basta para sayo, alam mo lang ang pangalan niya. Alam mong hindi siya single. Alam mo ring hindi siya ang tipo mo. At hindi man lang sumagi sa isip mo kahit minsan na magiging magkaibigan kayo, na magkakakilala pa kayo ng mas malalim. Hindi mo naisip na mapapadalas pala ang pag-iisip mo ng tungkol sa kanya.

Kung babalikan mo ang mga pangyayari, hindi mo pa rin maipapaliwanag ng malinaw. Nakita mo na siya dati. Namarkahan mo na siya sa scale system mo. Hindi mo siya trip. Hindi mo siya tipo. Hindi mo siya bet. Basta, hindi siya ang taong magugustuhan mo. Noon iyon. Sa isang iglap, naiisip mo na siya. Hindi mo alam kung paanong naging panatag na ang loob mo sa kanya. Hindi mo malaman kung paano kayo nagsimulang mag-usap. Hindi mo alam kung bakit ang dami mo na agad naikwento sa kanya. Hindi mo na maalala kung paano naging regular na kayong magkausap, Pati mukha niya, biglang nagbago sa paningin mo. Gusto mo na siyang makita ng madalas. Kulang ang araw kapag wala siya. Pati pag-uwi mo, naiisip mo siya. Namimiss mo pa nga ata. Anong nangyari sayo?

Para kang minadyik. Nawalan ka ng kontrol. Hindi mo kinaya. Para kang binagyo. Binaha ka pa. Biglang yung ngiti niya, bubuo na sa araw mo. Yung buhok niya, gusto mong hawakan, para wala lang. Alam mo yun, makahawak lang. Tapos gusto mo na tumitingin sayo yung mapungay niyang mata. Lalo na kapag ngumingiti siya habang nakatingin sayo. Parang gusto mo siyang lapitan at yakapin para lang maramdaman na totoo siya at na mahalaga ka rin sa kanya. Pero syempre, hindi mo gagawin yun. Kasi kahit papaano, nakakapagpigil ka pa rin naman . Hindi mo nga pinapahalata na ngayon ka lang ulit nawalan ng kontrol sa mga ganitong bagay. Hindi mo pinaparamdam na parte na siya ng buhay mo, anuman ang mangyari. Hindi niya pwedeng malaman. Hindi niyo pwedeng pag-usapan. Ayaw mo ng mga labeling. Ayaw mo ng mga tagging. Ayaw mo kasi ayaw mo ng mga komplikasyon. Pero ikaw sa sarili mo, alam mong oo, apektado ka na sa kanya. Baka nga pati yung puso mong akala mong wala na sayo, napasok na pala niya.

Kailangan mong maghinay-hinay. At kaya mo naman. Relaks lang. Hawak mo pa rin ang takbo ng araw-araw mo. Inhale. Exhale. Smile.

No comments:

Post a Comment