Lahat nagbago na sa akin. Aminado naman akong napakarami ko nang nagawang maling desisyon. Alam ko, isang araw, maiisip ko na sana ginawa ko ito, sana hindi ko ginawa iyon, at kung anu-ano pa. Lagi nga nilang sinasabi, nasa huli ang pagsisisi. At malamang, mararamdaman ko rin yun. Na pagsisisihan ang ilan sa mga desisyong ginawa ko sa buhay ko. Oo, mararamdaman ko, pero hindi ko pagbubuhusan ng panahon. Lahat naman ng ginagawa ko ngayon, lahat naman ng iniisip ko ngayon, lahat naman ng nangyayari sa akin ngayon ay kagustuhan ko. Kung mali man para sa inyo, pasensya na lang. Kung mali man talaga, pasensya na lang ako.
Hindi naman ako magmamayabang na masaya ako. Dahil hindi naman talaga ako masaya. Matagal na. Madalas, mukhang ayos, mukhang walang problema. Ang hirap kasi pag parang akala mo masosolusyonan mo na ang mga kabigatang bumabagabag sayo, pero wala, lalo ka lang palang malulunod sa kalungkutan. Ang hirap pag kailangan mong mamili. Ang hirap pag gusto mong gawin ang letter A at gusto mong gawin ang letter B pero hindi pwede. Ang hirap pag lahat ng tao sumisigaw sayo ng "Mali ka! Mali ka!" pero sa kaibuturan ng puso mo, nararamdaman mong tama ka. Maaaring mali ka nga at tama sila pero sino ba naman ang totoong nakakaalam ng tama at mali? Ang mayorya? Paramihan ng kamay na sumasang-ayon? Kultura lang iyon. Tradisyon. Paniniwala. Nakasanayan. Hindi katotohanan.
Paano kung nagkasala ka sa mga tao at handa ka nilang patawarin at bigyan ulit ng isa pang pagkakataon, kahit na maraming beses ka na nilang pinagbigyan. Ayan, solb na ang problema mo. Ang bait nila. Ang lambot naman ng puso nila. Maayos na ulit ang buhay mo. Nung tatanggapin mo na, may isa pala silang hihinging kapalit. Siyempre, papayag ka sa kahit ano. Andyan ang kapatawaran at ang panibagong pagkakataon sa buhay. Nakangiti kang magtatanong kung ano ba iyon. At lahat sila, sabay-sabay na titingin sa tabi mo, ituturo ang tanging taong nagbibigay sayo ng kaligayahan, pag-asa, suporta, pang-unawa, tulong, at walang sawang pagmamahal. Siya pala ang kapalit. Kailangan mo siyang layuan. Kailangan mo siyang kalimutan. Kailangan mo siyang iwanan. Kailangan mo siyang bitawan.
Tapos ikaw, gusto mong gawin ang tama para sa lahat. Gusto mong gawin ang hinihiling nila. Para matapos na ang lahat. Pero nung gagawin mo na, nung ginagawa mo na, patuloy ang pagbagsak ng luha sa iyong mga mata. Naninikip ang iyong dibdib. Sumasakit ang iyong ulo. At bigla mong maiisip na masama kang tao.
Isasakripisyo mo ang taong hindi ka pinabayaan. Ang taong inintindi ka sa oras ng iyong katangahan, kabaliwan, at kaepalan. Ang taong inasikaso ka sa araw-araw na kasama mo siya, pinaglalaba ka ng damit, pinaghuhugas ka ng kinainan mo, inaabutan ka ng tubig pagkatapos mong kumain kahit hindi mo naman siya inuutusan, nagtitiklop ng payong mo pagkatapos mo tong magamit, nagmamasahe sa nananakit mong katawan kahit na mas pagod naman siya, nagbubuhat ng mabibigat mong gamit, bumubuhat sa iyo paakyat at pababa ng tatlong palapag kahit na mas mabigat ka pa sa kanya, bumubuhat sa iyo sa overpass kapag may tubig sa daan para hindi mabasa ang paa mo, nagpupunas ng luha mo sa tuwing umiiyak ka.
Andyan siya nakikinig sa lahat ng kwento mo, hindi ka niya tinalikuran at hindi ka niya pinagsarhan ng tenga. Andyan siya pinapatawa ka kahit magmukha na siyang tanga mawala lang ang simangot sa mukha mo. Hahabulin ka niya kapag nagwalk-out ka dahil nagalit ka, kahit sa totoo lang, kasalanan mo naman. Oo wala siyang pera kaya hindi ka niya mailibre at hindi ka niya mabilhan ng mga bagay na gusto mo. Pero tanda mo ba nung nagtrabaho siya ng dalawang linggo sa probinsya tapos pagkasweldo niya, lumuwas agad siya ng Maynila para makita ka, makasama ka, at mailibre ka naman. Tapos nagtrabaho na naman siya ng ilang linggo at ibinigay niya sayo lahat ng pera niya. Lumabas kayo at nagpalibre siya sayo pero pera naman talaga niya iyon. Gusto ka niyang bigyan ng bulaklak pero plastic na bulaklak na nasa baso lang nabili niya. Binilhan ka niya ng tigbebente na hikaw dahil alam niyang mahilig ka magsuot nito. Matagal siyang namili, pinapasukat sayo halos lahat, para makita kung alin ang pinakamaganda at babagay sayo.
Madalas mo siyang pagtawanan, awayin bigla, at masaktan ng hindi sinasadya. Pero hindi ka niya kailanman sinumbatan, hindi ka niya pinagsalitaan ng masama. Lagi mo siyang inaasar na makikipaghiwalay ka na, minsan seryoso pa ang tono pero hindi ka niya pinapatulan. Minsan naiyak na lang siya at dun mo naramdaman na nakakasakit ka na pala. Wala siyang ginawang kahit anong mali. Hindi niya kasalanang maging mahirap. Pinagsilbihan niya maging ang pamilya mo. Ginawa niya ang lahat para sayo. Tapos ikaw na wala nang tamang ginawa sa buhay ay iiwan na lang siya bigla-bigla. Dahil inutusan ka. Dahil pinakiusapan ka. Dahil pinilit ka.
Ano? Ano na ngayon? Magkakamali ka na naman ba?
No comments:
Post a Comment